Ito pa lang ang pangalawang beses ko na magsusulat sa blog na ito mula nung una ko 'tong ginawa 4weeks ago. Na-realize ko kung gaano kahirap mag-manage ng time at kung gaano kahirap kumuha ng inspirasyon na imotivate yung sarili kong magsulat. Nasabi ko naman sainyo sa pinaka-una kong post na ako'y hindi propesyunal na manunulat at ginagawa ko lamang ito upang magbahagi at magkwento ng karanasan ko.
Nitong October 24, 2015 ng Sabado, muling nagpatuloy ang aming cornerstone sa Inuman Elementary school. Sa araw na ito, itinuro namin ang letters "Tt," "Ll," at "Ii." Muli kong kinuha si Joan na aking tutee para tutukan ang progress niya. Bukod sa kanya, ang pinakabago kong tutee sa araw na ito ay si Raven.
Napakagandang pangalan 'diba? Tahimik na bata si Raven pero mabilis turuan at matalino. Tulad ng ibang mga batang nahawakan ko, siya'y mahiyain at mukhang may kaunting takot lalo na kapag bago ang tutor na nagtuturo sa kanya. Naiintindihan ko na lahat ng bata ay ganoon at sa totoo lang, hindi ako napagod turuan siya dahil isang beses mo lang sabihin sa kanya ang dapat niyang gawin ay pwede mo na siyang iwanan. Hindi lang talaga niya kayang lakasan ang boses niya.
Kasama ni Raven si Joan sa pag-aaral. Sila ang mga na-assign sa akin sa araw na ito. Ako mismo ang pumili kay Joan dahil gusto ko siyang tutukan at gusto kong ipagpatauloy ang napag-aralan namin nung nakaraan. Kaya lang medyo sumakit ang ulo ko kay Joan sa araw na ito. Hindi pala epektibo na pagtabihin ko ang dalawang bata na magkaiba ang lebel ng pag-iisip at pang-unawa. Ayoko man sabihin ang mga salitang ito pero sadyang "challenging" turuan si Joan at kailangan niya ng gabay mula mismo sa mga magulang niya. Mabait na bata siya, sumusunod, magalang at malambing pero kailangan siyang tutukan dahil dyslexic siya sa paraang hindi ko maipaliwanag.
Pareho lang sila ng gawain pero mas nauuna nga lang matapos si Raven dahil mas mabilis siya kay Joan. Nakakasunod naman si Joan pero lalo kaming tumagal nang makita ko na ginagaya niya kung anung ipagawa ko kay Raven at madali niyang nakakalimutan kung anung gawain ang tunay na pinapagawa ko sa kanya. Nabanggit ko naman noon sa una kong post dito na hindi pa marunong magbasa si Joan at hindi padin niya saulado o memoryado ang Alphabets. Ganito ang nangyari, ipinasulat ko kay Raven ang letter "Ll" nang ilang beses sa notebook niya para ma-ensayo ang kamay niya sa pagsusulat. Nung mga oras na ito, letrang "Tt" naman ang pinasusulat ko kay Joan. Sa kakatingin niya sa ginagawa ni Raven, letter "Ll" ang naisulat niya imbes na letter "Tt." Mas lalo pa akong na-challenge nang magsimula na kaming magbasa ng mga letra. Ganoon parin ang naging karanasan ko sa kanya. Napagbabalik-baliktad niya ang tatlong letra at wala pang isang segundo at nakakalimutan na niya agad ang isang letrang ituro sa kanya kahit ulitin mo pa. Ipina-ulit-ulit ko sa kanya ang "Tt" hanggang sa siya na lang ang nagbabanggit ng letra nang ilang beses. Sinasara ko pa minsan ang notebook at ipinababanggit ko sa kanyang muli ang letra na natutunan niya. Sa una maayos pero nung may bagong letra nang tinuturo sa kanya, nakalimutan na ulit niya ang unang letra na tinuro sa kanya. At nakakapagtaka dahil sa kalagitnaan ng aming pag-aaral ay bigla na lang siya nagbanggit ng isang letrang hindi naman itinuro noong araw na iyon, ang letter "Ee."
Nainis ako nang kaunti dahil inulit-ulit ni Joan ang letrang "Ee" samantalang letters Tt, Ll, Ii ang mga pinapakita ko sa kanya. Paulit-ulit kong sinabi na huwag niyang babanggitin ang letrang Ee dahil hindi yun tinuro sa araw na iyon at hindi Ee ang mga letrang iyon. Minasdan ko siya kung kinakabahan ba siya pero hindi naman. Hindi ko naman siya tinatakot, ni-hindi ko rin siya sinisigawan kahit pa naiinis na ko sa loob ko, malumanay ko parin sinasabi sa kanya ang tamang letra na dapat niya alamin at basahin.
Napakalaking hamon sa akin ng batang si Joan. Naiinis ako sa katotohanang hindi man lang gabayan ang batang ito ng mga magulang niya at kung bakit pa kase kailangan humantong sa ganito na lumalaki ang bata na hindi kabisado ang alpabeto. Madalas nga kapag tinuturuan ko ang ilang mga bata duon ay hindi ko maiwasang pangunahan ang mga posibleng maging kinabukasan nila dahil sa mga nakikita ko. Pero, HINDI! Kahit nakikita ko na siya, hindi tama na isipin ko ang mga bagay na ito. Lahat ng bagay pinag-hihirapan at pinagsisikapan. Naniniwala na kaming lahat na bumubuo ng cornerstone ay nagsisilbing instrumento ng kanilang pag-asa. Una ko nang halimbawa ang mga guro na nagtuturo sa paaralan na ito. Maraming Pilipino ang mas pinangarap at patuloy na nangangarap na kumita nang malaki sa ibang bansa para maitaguyod ang kabuhayan ng mga pamilya nila. Isa ako sa kanila, hindi ko ikinakaila na pangarap ko rin mag-ibayong dagat at magtrabaho dito para kumita nang mas malaki. Pero silang mga guro ng Inuman Elementary School, mas pinili nilang magsilbi at turuan ang mga batang kapus palad at mas tunay na nangangailangan ng gabay at edukasyon. Kung may mga natitirang huwarang guro na tulad nila na bagama't nanggaling din sa mahirap na pamilya, ay mas piniling magsilbi sa bayan. Mayroon din sa mga batang ito na tinuturuan namin ang kayang-kaya rin magkaroon ng isang magandang bukas.
Sa nangyari sa araw na ito, lalo akong nag-isip at naghulma ng mga bago kong mungkahi, plano at mga bagay na dapat ko pang gawin para sa aming programa. Walang perpekto sa mundo, mahirap man o mayaman. Basta't ang alam ko lang, nabuo ang tao para magbahagi ng kanyang kakayanan. Maraming kayang gawin ang tao upang mas guminhawa ang buhay dito sa mundo. Ang mayaman dapat tulungan ang mahirap. Ang mahirap dapat tulungan ang sarili at maging masipag. . . . .
- Lesslie Buhay