INUMAN CORNERSTONE

INUMAN CORNERSTONE
LIFE

Sunday, November 8, 2015

Si Raven at Si Joan

Ito pa lang ang pangalawang beses ko na magsusulat sa blog na ito mula nung una ko 'tong ginawa 4weeks ago. Na-realize ko kung gaano kahirap mag-manage ng time at kung gaano kahirap kumuha ng inspirasyon na imotivate yung sarili kong magsulat. Nasabi ko naman sainyo sa pinaka-una kong post na ako'y hindi propesyunal na manunulat at ginagawa ko lamang ito upang magbahagi at magkwento ng karanasan ko.


Nitong October 24, 2015 ng Sabado, muling nagpatuloy ang aming cornerstone sa Inuman Elementary school. Sa araw na ito, itinuro namin ang letters "Tt," "Ll," at "Ii." Muli kong kinuha si Joan na aking tutee para tutukan ang progress niya. Bukod sa kanya, ang pinakabago kong tutee sa araw na ito ay si Raven. 
Napakagandang pangalan 'diba? Tahimik na bata si Raven pero mabilis turuan at matalino. Tulad ng ibang mga batang nahawakan ko, siya'y mahiyain at mukhang may kaunting takot lalo na kapag bago ang tutor na nagtuturo sa kanya. Naiintindihan ko na lahat ng bata ay ganoon at sa totoo lang, hindi ako napagod turuan siya dahil isang beses mo lang sabihin sa kanya ang dapat niyang gawin ay pwede mo na siyang iwanan. Hindi lang talaga niya kayang lakasan ang boses niya. 


Kasama ni Raven si Joan sa pag-aaral. Sila ang mga na-assign sa akin sa araw na ito. Ako mismo ang pumili kay Joan dahil gusto ko siyang tutukan at gusto kong ipagpatauloy ang napag-aralan namin nung nakaraan. Kaya lang medyo sumakit ang ulo ko kay Joan sa araw na ito. Hindi pala epektibo na pagtabihin ko ang dalawang bata na magkaiba ang lebel ng pag-iisip at pang-unawa. Ayoko man sabihin ang mga salitang ito pero sadyang "challenging" turuan si Joan at kailangan niya ng gabay mula mismo sa mga magulang niya. Mabait na bata siya, sumusunod, magalang at malambing pero kailangan siyang tutukan dahil dyslexic siya sa paraang hindi ko maipaliwanag. 



Pareho lang sila ng gawain pero mas nauuna nga lang matapos si Raven dahil mas mabilis siya kay Joan. Nakakasunod naman si Joan pero lalo kaming tumagal nang makita ko na ginagaya niya kung anung ipagawa ko kay Raven at madali niyang nakakalimutan kung anung gawain ang tunay na pinapagawa ko sa kanya. Nabanggit ko naman noon sa una kong post dito na hindi pa marunong magbasa si Joan at hindi padin niya saulado o memoryado ang Alphabets. Ganito ang nangyari, ipinasulat ko kay Raven ang letter "Ll" nang ilang beses sa notebook niya para ma-ensayo ang kamay niya sa pagsusulat. Nung mga oras na ito, letrang "Tt" naman ang pinasusulat ko kay Joan. Sa kakatingin niya sa ginagawa ni Raven, letter "Ll" ang naisulat niya imbes na letter "Tt." Mas lalo pa akong na-challenge nang magsimula na kaming magbasa ng mga letra. Ganoon parin ang naging karanasan ko sa kanya. Napagbabalik-baliktad niya ang tatlong letra at wala pang isang segundo at nakakalimutan na niya agad ang isang letrang ituro sa kanya kahit ulitin mo pa. Ipina-ulit-ulit ko sa kanya ang "Tt" hanggang sa siya na lang ang nagbabanggit ng letra nang ilang beses. Sinasara ko pa minsan ang notebook at ipinababanggit ko sa kanyang muli ang letra na natutunan niya. Sa una maayos pero nung may bagong letra nang tinuturo sa kanya, nakalimutan na ulit niya ang unang letra na tinuro sa kanya. At nakakapagtaka dahil sa kalagitnaan ng aming pag-aaral ay bigla na lang siya nagbanggit ng isang letrang hindi naman itinuro noong araw na iyon, ang letter "Ee." 

Nainis ako nang kaunti dahil inulit-ulit ni Joan ang letrang "Ee" samantalang letters Tt, Ll, Ii ang mga pinapakita ko sa kanya. Paulit-ulit kong sinabi na huwag niyang babanggitin ang letrang Ee dahil hindi yun tinuro sa araw na iyon at hindi Ee ang mga letrang iyon. Minasdan ko siya kung kinakabahan ba siya pero hindi naman. Hindi ko naman siya tinatakot, ni-hindi ko rin siya sinisigawan kahit pa naiinis na ko sa loob ko, malumanay ko parin sinasabi sa kanya ang tamang letra na dapat niya alamin at basahin. 

Napakalaking hamon sa akin ng batang si Joan. Naiinis ako sa katotohanang hindi man lang gabayan ang batang ito ng mga magulang niya at kung bakit pa kase kailangan humantong sa ganito na lumalaki ang bata na hindi kabisado ang alpabeto. Madalas nga kapag tinuturuan ko ang ilang mga bata duon ay hindi ko maiwasang pangunahan ang mga posibleng maging kinabukasan nila dahil sa mga nakikita ko. Pero, HINDI! Kahit nakikita ko na siya, hindi tama na isipin ko ang mga bagay na ito. Lahat ng bagay pinag-hihirapan at pinagsisikapan. Naniniwala na kaming lahat na bumubuo ng cornerstone ay nagsisilbing instrumento ng kanilang pag-asa. Una ko nang halimbawa ang mga guro na nagtuturo sa paaralan na ito. Maraming Pilipino ang mas pinangarap at patuloy na nangangarap na kumita nang malaki sa ibang bansa para maitaguyod ang kabuhayan ng mga pamilya nila. Isa ako sa kanila, hindi ko ikinakaila na pangarap ko rin mag-ibayong dagat at magtrabaho dito para kumita nang mas malaki. Pero silang mga guro ng Inuman Elementary School, mas pinili nilang magsilbi at turuan ang mga batang kapus palad at mas tunay na nangangailangan ng gabay at edukasyon. Kung may mga natitirang huwarang guro na tulad nila na bagama't nanggaling din sa mahirap na pamilya, ay mas piniling magsilbi sa bayan. Mayroon din sa mga batang ito na tinuturuan namin ang kayang-kaya rin magkaroon ng isang magandang bukas. 

Sa nangyari sa araw na ito, lalo akong nag-isip at naghulma ng mga bago kong mungkahi, plano at mga bagay na dapat ko pang gawin para sa aming programa. Walang perpekto sa mundo, mahirap man o mayaman. Basta't ang alam ko lang, nabuo ang tao para magbahagi ng kanyang kakayanan. Maraming kayang gawin ang tao upang mas guminhawa ang buhay dito sa mundo. Ang mayaman dapat tulungan ang mahirap. Ang mahirap dapat tulungan ang sarili at maging masipag.  . . . . 







- Lesslie Buhay

Sunday, October 11, 2015

Si Joan . . .


Kumusta? Ako nga pala si Lesslie Buhay. Ako po ay nagdiwang ng 23rd birthday ko nitong nakaraang lLunes ng Oktubre 5, 2015. Ako po ay may trabaho pero hindi ko masasabing fulfilled na ako sa kung anung propesyon o karera meron ako ngayon dahil sa edad kong ito, marami parin akong tanong sa buhay. Hindi ganoon kahirap ang buhay ng aking pamilya at hindi rin kami mayaman pero masasabi ko na madalas kami makaranas ng kakapusan dulot na rin siguro ng maling pagpaplano o paghawak ng pera ng ilan sa miyembro ng aming pamilya. Hindi ko gustong sisihin ang sino man sa amin pero ganoon ang aking kinalakhan. Maraming nagdaang swerte sa amin at napakaraming tao ang sumuporta't nagsakripisyo para sa amin. Nakapag-aral kami sa pribadong paaralan mula elementary hanggang high school sa tulong ng mga kamag-anak namin sa abroad. Nakakain kami ng masasarap na pagkain, nakatira kami sa hindi naman magarbo pero maayos at komportableng tirahan. Naranasan namin ang karangyaan. Ay mali! Nakaranas kami ng "huwad na karangyaan." Maraming pagsubok ang nagdaan sa buhay namin na madalas kong kamuhian at pagdulutan ng galit. Pero mabuti na lamang at mabait ang nasa itaas dahil binigyan niya ko mga kaibigan at mga mabubuting tao sa paligid na nagtuturo sa akin sa tuwid na daan. Kundi dahil sa kanila, hindi kailanman bubukas ang puso't isipan ko. Salamat sa Panginoon dahil sa kabila ng lahat ng pinagdadaanan namin bilang isang pamilya, masasabi kong isa parin kami sa pinakamaswerte sa buong mundo. 

Marami pa akong gustong sabihin sainyo tungkol sa kung sino ako at kung ano ako pero mukhang kakailanganin ko ng sapat na oras at araw para maisulat yun. Alam ko naman na napansin ninyo na sumila pa lang na hindi ako biniyayaan ng husay at talento sa pagsusulat. Wala akong masyadong talinhaga at kalaliman ng mga salita. Isinusulat ko lang kung anung nasa isip at nasa puso ko sa ngayon. Isinusulat ko lang kung anong gusto kong sabihin at sa kung paano ko siya gustong sabihin sainyo. Dahil ang pinaka-layunin ko kung bakit ko ginagawa ito ay ang magbahagi at magbigay ng inspirasyon. Aminado naman ako na marami pa akong dapat pag-aralan at paghusayan sa larangan ng pagsusulat. Aminado ako na hindi perpekto ang blog na ito. Pero mabuti na itong sinimulan ko na siya bago pa ako magtrenta at tumanda nang tuluyan na hindi ko man lang nasusubukan yung mga bagay na gusto kong gawin.








Sa ngayon, gusto ko munang isulat itong napakaimportanteng misyon na aking nagawa kahapon ng Oktubre 10, 2015, Sabado. Bago ko po tuluyang makalimutan, ako po ay miyembro ng SFC (Single's For Christ). Pamilyar na pamilyar na siguro kayo diyan dahil 75% ng mga Pinoy ay Kristiyano. Hindi ko ipinangangalandakan sa inyo na miyembro ako nito dahil ako'y isang Santa or isang napakabait na nilalang. Sa totoo lang, napaka-makasalanan kong tao. Hindi naman ako magnanakaw or mamatay tao pero madalas ko rin tanungin kung totoo nga bang may Diyos. Magmula  nang mamulat ako sa kahirapan ng buhay dito sa Pilipinas at sa kaguluhan ng mundong ito, madalas ko kwestiyunin ang nasa itaas. Naalala ko, nung nagkaroon ako ng mga kaibigan sa kolehiyo na tunay na mababait at mga totoong tao (hindi plastic) pero mga hindi naniniwala sa Diyos. Sabi ko, kung may mga tao namang ganito kabait at ka-wasto ang pag-uugali, bakit pa tayo magsasayang ng oras magsimba tuwing linggo at makinig sa mga paring hindi ko malaman kung nag-handa ba ng kanilang sasabihin o talagang sadyang mahina lang ang communication skills para mangumbinsi ng mga mamamyan. Sabi ko pa noon, mas kailangan ng taong magtrabaho, mag-aral at maniwala sa mga prinsipyo na naaayon sa katotohanan na may ebidensya kaysa maniwala sa isang bagay na walang kasiguraduhan at higit sa lahat, at sa isang Diyos na kahit kailan ay hindi naman natin nakakausap o nakikita, etc, etc.  Ganito ang mga paniniwala ko noon at hindi ko maitatanggi na sa kasalukuyan, kahit miyembro na ako ng SFC ay marami parin akong katanungan.

O sige na nga! Ikukwento ko na nga yung dapat kong ikwento sa post na 'to. Gusto kong i-bahagi sainyo itong tinatawag naming CORNERSTONE. Isa itong educational charity event na proyekto ng SFC, CFC (Couple's For Christ) at ATENEO CENTER FOR EDUCATIONAL DEVELOPMENT. Idinadaos ito tuwing Sabado sa isang napiling public school malapit sa district kung saan may SFC at CFC. Karaniwan itong sinisimulan sa buwan ng Hulyo at nagtatapos sa buwan ng Marso kung saan may nagaganap ding graduation para sa mga bata o estudyenteng naging bahagi ng nasabing proyekto. At dahil ako ay taga-Antipolo, ang aming misyon ay sa INUMAN ELEMENTARY SCHOOL. Ang pampublikong paaralan na ito ay matatagpuan sa PAENAAN ng Antipolo, Rizal. Tuwing Sabado ay nagkikita-kita kaming mga volunteers upang turuan ang mga estudyante na nasa Grade 2 and 3 na may problema at hirap sa pagbabasa. Magugulat kayo dahil marami sa kanila ang umaabot ng Grade 3 nang nalilito parin sa pagbabasa ng mga letra. Halos magtatatlong buwan na rin kami sa proyektong ito na nagsimula noong July 25 ng kasalukuyang taon. Mahirap pero masaya dahil andami naming napupulot na aral sa karanasan kasama ng mga bata tuwing Sabado.

Nakaraang Sabado ng Oktubre 3, sinimulan namin ang pagbibigay ng simpleng exam sa mga bata upang kilatisin ang kanilang naging improvement. Hindi namin yun natapos dahil sa kakapusan ng oras. Kahapon ng Oktubre 10, ipinagpatuloy namin yun at binigyan ng pagkakataon ang mga batang hindi pa nakakapag-exam. Ang test ay may 4 pages kung saan ipababasa namin ang Alphabets, basic Dolce words, vowel, consonant and phonetic sounds.

Ako mismo ang pumili sa batang si Joan. Hindi ko na maalala yung apelyido niya pero ayos lang dahil magkikita pa naman kami sa susunod na Sabado. Pinili ko siya dahil para sa akin, siya ang pinakmahiyain sa lahat ng tinuturuan namin. Hindi lingid sa kaalaman yun ng ibang volunteers dahil nagrorotate at na-hahandle namin lahat ng mga bata. Madalas siyang tahimik at hindi sumasagot. Sa tuwing tinatawag siya ng lead tutor na magrecite para sa buong klase, matinding pag-iling lamang ang ibinibigay. Hindi siya aktibo tulad ng karamihang mga bata na kahit hindi marunong or hindi pa perpekto magbasa ay walang takot na sumasagot at nagtataas ng kanilang mga kamay sa paniwalang "maraming matatanggap na regalo sa pasko ang batang nagpaparticipate." Totoo naman ang lahat ng mga  pangakong binibitawan namin sa mga bata dahil iyon ang epektibong motivation para sa kanila at nang sipagin sila sa pag-aaral. Pero para kay Joan, walang epekto ang mga ito dahil pinangunguhan siya ng takot at hiya. Minsan ko na rin nakita ang Nanay niya noong mga nakaraang Sabado. Hindi ako pwedeng magkamali pero alam kong narinig ko na sinabi ng nanay niya noong pauwi na silang mga bata ang mga salitang "mahirap turuan yan eh," "ano naintindihan mo ba? Hindi ka naman yata nakikinig eh." Mga salitang hindi nakakatulong para sa mga batang tulad niya na kaylangan ng lubos na suporta at gabay. Hindi ko man lubos na alam kung anong eksaktong lebel ng kakayahan ni Joan, pero basta't ang alam ko ay mahiyain siya at medyo nahuhuli. 


Ito ang ilan sa mga pictures naming magkasama. 




Pinili namin ang lugar malayo sa ingay ng classroom kung saan sila nagkaklase para mas makapag-focus siya. Wala pa kami sa kalahati ng unang pahina ay napagdesisyunan ko nang itigil ang test dahil dito ko ikinagulat nang malaman kong sa edad na 9 yrs old ay hindi pa niya kabisado ang Alphabets. Letter "A" "B" at "C" lang nag narecognize niya at ang mga sumunod na letra ay hindi na niya alam. Isa pang kahinaan niya ay kabisado lamang niya ang mga kakaunting letrang nabanggit kapag sila'y magkakasunod. Subukan mong guluhin ang tatlong letrang yan ay hindi na niya alam ang isasagot. Sa una ay pinabalik ko siya sa classroom dahil sa insiyal kong pag-aakala na mas mabuting makinig na lang muna siya sa lecture. Pero mas hindi pala iyon makakatulong dahil nga sa hindi siya marunong magbasa at sayag lang ang oras niya sa pakikinig sa isang bagay na hindi naman niya naiintindihan. Kasalukuyan noong nag-aaral ang mga bata ng letters "D", "N" at "P" kasama ang mga halimabawang mga salita na nagsisimula sa letters na ito. Napaka-ingay ng klase dahil karamihan ay aktibo sa pagsagot at nakakatuwang tingnan ang mga batang nag-uunahan.

Hindi ko sinayang ang oras. Naghanap ako ng papel na pwedeng sulatan at nakakatawa nga dahil construction papaer lang ang available nun. Papel na kulay asul ang nakuha ko. Tinawag kong muli si Joan at bumalik kami sa dati naming lugar. Sinulat ko ang Alphabet letters from A to Z at isa-isa kong tinuro yun kay Joan. Bukod sa mga nauna kong napansing kakulangan kay Joan, isa ko pang napansin ay ang dali niyang malito at makalimot. Lima o sampung beses kong inulit sa kanya kung anu ang letters "F," "G" at "H," pero nakakalimutan na kagad niya saglit mo lang guluhin ang tatlo't kakatiting na letters na ito. Inuna ko ang "F" at sinulat ko siya ng ilang beses sa mga natitirang espasyo ng papel. Ipina-ulit ko sa kanya yung "A," "B, hanggang "E" at nang muli naming balikan ang letter "F" pagkatapos kong paulit-ulit na ituro sa kanya kung anung tawag sa letter na iyon ay hirap na hirap parin siyang maalala kung anu yun. Mas naalala pa ng maliit na batang nakikinig sa amin nung mga oras na iyon. (Ang batang ito ay kapatid ng isa sa mga nagkaklase.)

Dito ko kinilala nang lubos ang batang si Joan. Tinanung ko kung paano siiya nag-aaral, paano siya sa school, sinong nagtuturo sa kanya at kung anung ginagawa ng mga magulang niya. Hindi niya alam ang eksaktong trabaho ng mga magulang niya pero sila'y isang mahirap na pamilya. May dalawa siyang kapatid na namatay nung sanggol pa lamang. Ayon sa kanya, hindi daw siya tinuturuan ng mga magulang niya sa bahay dahil may trabaho sila at may sakit ang mama niya. Ang ate niyang 10 yrs old na marunong bumasa ang tumutulong sa kanya sa paggawa ng assignment. Madalas ay hindi siya natututukan nito dahil na rin sa bata pa ito at madalas ay ito na ang sumasagot sa assignment niya. Minsan lamang daw sila pumasok sa school. Wala silang TV at wala silang gaanong distraction sa pag-aaral maliban na lang sa paglalaro sa labas kasama pa ang ibang mga bata. Ang uniform niya, sinasampay lang niya at hindi niya ito nilalaban agad-agad. Hanggat hindi pa lubusang madumi ay patuloy niyang gagamitin or susuotin pag pasok sa school.

Maganda ang naging pag-uusap namin at ramdam ko na napasaya ko siya. Sabi ko sa kanya, kailangan niyang magtiwala sa sarili niya na kaya niyang matuto magbasa. Hanggat bata, may pag-asa. Ang batang nakapag-aral, maraming mararating. Tanong ko pa, "gusto mo ba yumaman?" Sagot niya, "Hindi! Gusto ko, may kaya lang." Nung tinanung ko kung bakit ay ayaw na niyang sumagot at pinangunahan na naman siya ng pagiging mahiyain niya.




Masaya akong makita si Joan na nakangiti. Nung break time, katabi ko ang isang co-volunteer. Habang kami ay nagdadaldalan at kumakain, lumapit sa amin si Joan at tila may hinahanap. Tapos na siya kumain kaya't tumayo na siya sa kanyang inuupuan at ngayon ay mukhang may hinahanap. Hinahanap pala niya yung asul na papel kung saan ko isnulat yung Alphabets na itinuro ko sa kanya. Kinuha ko sa bag ko at binigay ko sa kanya, agad naman siyang bumalik sa upuan niya, Maya-maya ay muling lumapit si Joan at sinabi sa'king, "magbasa tayo." Hindi ko alam kung paano ako magrereact pero pareho kaming nagulat ng co-volunteer ko sa narinig namin dahil kilala namin si Joan na mahiyain at bihira magsalita. Nakakatuwang malaman na nagkaroon ng impact sa kanya ang naging pag-uusap namin at mukhang gusto niyang makipagkaibigan sa amin lalo na sa akin, Kita ko ang ngiti sa kanyang mukha na hindi nagsisinungaling. 

Muli kaming nagbasa at sa pagkakataong ito ay makikitang sinisikap niyang matandaan ang letrang paulit-ulit niyang nakakalimutan. Walang nagbago dahil nalilimutan parin niya ang letter "F" kahit ipa-ulit ulit ko sa kanya iyon. Kahit may kakulangan sa kanya, naniniwala ako na matututo din  siya pagdating ng panahon dahil nabuhayan siya ng pag-asa. 


Kapagtapos ng break ay naghiwa-hiwalay na ang mga bata at pumunta na sa mga kani-kanilang tutors. Ito ang picture ng mga batang na-assign sa akin kahapon. Sila sina Allen, Diana, Angel at syempre si Joan. Nagkukulay sila ng mga retrato. Gumuguhit at nagpapractice isulat ang mga words at letters na natutunan nila sa araw na iyon.




Ganadong ganado si Joan sa pagkulay, pagguhit at pagsulat ng mga salitang, hindi man niya alam basahin, ay maayos naman niyang naisususlat. Inisa-isa ko sila para basahing mula sa board ang mga words na tinuro sa kanila. Nakakatuwa dahil karamihan ay fast-learner. Hindi na ko magtataka kay Joan dahil alam ko ang sitwasyon niya. 


Nung uwian na. Hindi ako nakasama sa paglilinis at pagdadasal kasama ang mga leaders at volunteers dahil sinamahan ko si Joan at inalam kung saan siya nakatira. Mali nga ang aking ginawa dahil hindi ako nakapag-paalam dahil akala ko'y napakalapit ng bahay niya, malayo pala. Kasama namin si Diano dahil magkapitbahay lang sila. Malapit lang sa kanila ang bahay nila pero para sa akin malayo na iyon at nilalakad lang nila yun kapag pauwi sila galing school. Kapag papasok sila, nagtatricycle sila para hindi sila ma-late. 



















Nakausap ko ang mga ina ni Joan at sa pangalawang pagkakataon ay narinig ko ang mga salitang, "mahirap turuan 'yan eh." Naiintindihan ko ang sitwasyon nila at may edad na rin si Inay kaya siguro gano'n na siya. Nakilala ko rin ang ina ni Diana at dito sinabi ng ina na wala ang kanyang anak kasama si Diana.

Hindi na ako bumalik ng school para tiyakin kung nandodoon pa ba ang grupo namin dahil panigurado'y nakauwi na sila dahil 20 minutes din ang nailaan ko sa paglalakad patungo sa bahay ni Joan at ni Diana. Hindi man ako nakapagpaliwanag nang maayos ay kakausapin ko lang ang aming sa FACEBOOK.

Marami pa akong gustong ikwento sa aking naging karanasan kahapon. Siguro tatamarin ang sinong mambabasa na basahin itong blog ko dahil napaka-haba ko magsulat at wala akong sinusunod na rules or format. Basta't kinukwento ko lang kung anung gusto kong sabihin.

Puno ng aral at kabuluhan ang mga nangyari sa akin kahapon. Isa ito sa mga una kong mission ngayong 23 yrs old na ako. Plano ko kapag madami na kaming volunteers, sana mapuntahan namin ang mga bahay ng mga estudyanteng mas kaylangan ng gabay sa pag-aaral tulad ni Joan. Lumang tugtugin na ang mga pinagsasabi ko dahil marami nang gumawa ng ganitong mission at madalas ay sumusuko din ang ilang volunteers dahil may pangangailangan din ang mismong volunteers. Pero wala akong pakialam sa mga lumang tugtugin na yan. Basta, paninidigan ako ang paniniwala kong bawat isa sa atin ay may kapangyarihang magbigay kabuluhan sa buhay ng ating kapwa. Sinasayng lang natin at hindi tayo nagdidiscover dahil masyadong makapangyarihan ang hatid sa atin ng makabagong panahon. Madalas, takot din tayong pagtawanan dahil mas gusto natin umayon sa uso at nakararami. 

Hindi ko na alam kung pano tatapusin itong post na ito. Kapag may sapat na oras na ako ay i-eedit at i-iimprove ko ito dahil alam kong marami akong maling spelling at punctuation marks. Ang importante sa ngayon ay naitala ko ang mga detalyeng dapat i-tala dahil sobrang malilimutin akong tao. Kapag pinagpaliban ko pa ang pagsusulat, siguradong hindi ko na maaalala ang nangyari sa akin kahapon. 


- Lesslie Buhay